Abogado, 3 pa naaktuhang nagdo-droga
MANILA, Philippines — Isang abogado at tatlo nitong kasama ang naaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa aktong nagpa-pot session o gumagamit ng ipinagbabawal na gamot sa isang tahanan sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Chief. Supt. Guillermo Eleazar ang mga suspek na sina Atty. Arnel Torres, 48, ng Brgy.Karangalan Village, Pasig City; Raymond Rosales, 29; Magdaleno Talabera, 71, retired BIR employee at Noel Lumagbas, 41.
Ayon kay P/Supt. Christian dela Cruz, hepe ng QCPD Station 10, dakong alas-10:30 ng gabi noong madakip nila ang mga suspek sa isang tahanan sa Dahlia St., corner Agham Road, Brgy. Central, Quezon City.
Nabatid kay Dela Cruz na isang concern citizen’s ang nagbigay ng impormasyon sa kanila hinggil sa ‘nagaganap umanong pot session ng apat.
Agad na bumuo ng 11-man team mula sa station 10 si Dela Cruz at isinagawa ang pagsalakay.
Pagdating sa lugar ay nakumpirma ang sumbong kaya pinalibutan ng 11-pulis ang nasabing tahanan. Nabulaga naman ang abogado at tatlo nitong kasama noong salakayin sila ng mga awtoridad.
Narekober mula sa mga suspek ang pitong ebidensiya na kinabibilangan ng tatlong sachet ng hinihinalang shabu, 5 aluminum foil, glass pipe tooter, playing card at mga drug paraphernalia.
Sa panig naman ni Atty Torres, itinanggi nito na sila ay nagpa-pot session sa halip ay nagsusugal lamang umano sila nang isagawa ang pagsalakay.
Nahaharap ngayon ang apat sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest