Magkapatid na nasa ‘drug watchlist ni Digong, timbog
MANILA, Philippines — Arestado ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Manila Police District-Station 1 ang magkapatid na ‘tulak’ na kasama sa drug watchlist ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isinagawang pagsalakay sa bahay nila sa Tondo, kahapon ng umaga.
Nasamsam sa magka-patid na sina Henry Dimagmaliw, 42, at Allan Dimagmaliw, 43. kapwa residente sa Velasquez St., Brgy. 81, District 1, Tondo, Maynila ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P700,000.
Sinabi ng mga awtoridad na kabilang ang magkapatid sa listahan ni Digong bilang most wanted persons dahil sa iligal na aktibidad.
Sinabi ni MPD-Station 1 Supt. Jay Dimaandal, sa pamamagitan ng isinilbing search warrant na inisyu ni Judge Cecilyn Burgos-Villabert ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 89, dakong alas 10:30 ng umaga (Pebrero 16) ay pinasok ng magkasanib na MPD at PDEA operatives ang tahanan ng magkapatid .
Nakuhanan sila ng nasa 132.76 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P633,950; isang 9mm pistol at 48 bala ng 9mm kalibreng baril, timbangan, mga alahas, motorsiklo, isang Mitsubishi Adventure at drug paraphernalias.
Kasamang binitbit at nasa kostudiya ng PDEA ang asawa umano ni Henry na si Heidi.
- Latest