2 ginang timbog sa 58K pekeng pera
Tindera sa palengke binibiktima
MANILA, Philippines — Nahaharap ngayon sa kasong ‘counterfeiting of Phi-lippine currency’ ang dalawang babae kabilang ang isang lola nang mahulihan ng hindi bababa sa P58,000 halaga ng mga pekeng pera sa isang palengke sa Navotas City, Martes ng umaga.
Nakilala ang mga nadakip na sina Erlinda Lumida, 60, ng Makanene, Caloocan City; at si Sharon Ancheta, 45, ng Baritan Street, Malabon City.
Inireklamo ang dalawa ng kanilang mga nabiktimang mga tindera sa San Roque Public Market na sina Evangelyn Orog, 46; Edelyn Andrino, 38; Marilou Guillermo, 48; Leroy Salvador, 59; at Eduardo Billones, 44, na binayaran ng mga ito ng pekeng pera.
Sa ulat ng Navotas City Police, bumibili ng isdang ba-ngus ang mga suspek sa stall ni Orog dakong alas-9 ng umaga nang mapansin niya na peke ang perang ibinayad sa kanya. Dito inalerto ng biktima ang mga kasamahang tindera at pinigil ang mga suspek hanggang sa duma-ting ang mga barangay tanod.
Sa loob ng barangay hall, nagreklamo rin ang iba pang mga tindera sa palengke na nabiktima rin umano ng dalawa. Dito sila ininspeksyon ng mga pulis at nakumpiska pa sa kanilang posesyon ang iba pang Philippine bills na may halagang P1,000 at P500 na hinihinalang mga peke dahilan para arestuhin sila.
Dinala naman ang mga nakumpiskang mga bills sa Bangko Sentral ng Pilipinas upang isailalim sa kaukulang pagsusuri para isailalim sa berepikasyon at magamit na ebidensya sa korte.
- Latest