‘Termite Gang’ umatake ng bangko sa QC, 2 tiklo
MANILA, Philippines — Nasilat ang tangkang panlolob sa isang bangko ng dalawang hinihinalang miyembro ng “Termite Gang” nang mahuli sila sa akto ng mga alertong kagawad ng Quezon City Police District (QCPD) sa tulong na rin ng alarm system sa lungsod nitong Sabado ng madaling-araw.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD ) Director P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, dakong alas-2:40 ng madaling araw nang tumunog ang alarm system ng bangko sa pamamagitan ng Central Monitoring System at dito’y naalerto ang mga operatiba ng Anonas Police Station (PS9).
Agad nagresponde ang mga operatiba ng nasabing himpilan sa Bank of Commerce sa Diliman Branch, Philcoa, Commonwealth ng lungsod.
Nadiskubre naman ng mga tauhan ni PS 9 Commander P/Supt. Alex Alberto ang isang butas na hinukay sa likuran ng bangko gayundin ang mga kagamitan na ginamit sa pagbutas patungo sa nasabing bangko samantalang binutas din ng mga suspect ang kisame ng bangko para makapasok sa loob.
Agad namang nasakote sa bisinidad ng naturang bangko ang dalawang lalaki na kahina-hinalang umaaligid sa lugar na marumi ang mga kamay at may bahid ng lupa sa paghuhukay.
Hindi muna tinukoy ni Eleazar ang pagkakakilanlan ng dalawang suspect dahil patuloy pa ang dragnet operations laban sa mga nakatakas nilang kasamahan na nagpulasan ng takbo at sinamantala ang kadiliman ng paligid.
Samantala, dahil sa maagap na pagresponde ng pulisya ay nasakote ang dalawang suspect na hindi na nakapalag matapos na mabulaga sa arresting team.
“Dahil sa effective alarm monitoring system ng banko at mabilis na pagresponde ng mga pulis, napigilan natin ang tangkang pagnanakaw ng mga suspek na maaaring mga miyembro ng termite gang,” pahayag ni Eleazar.
Patuloy ang isinasagawang pag-iimbentaryo ng mga empleyado ng bangko upang alamin kung may nawala sa nasabing panloloob.
- Latest