Armas ng mga tanod, batuta, teargas at posas lang – DILG
MANILA, Philippines — Inihayag ng pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tanging batuta, teargas at posas lamang ang maaaring bitbitin ng mga barangay tanod sa kanilang ginagawang pagpapatrulya sa kanilang nasasakupan.
Ayon kay DILG officer-in-charge Eduardo Año, ang mga tanod ay itinuturing na police auxiliary units at bawal magdala ng baril, batay sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Maaari lamang aniyang magdala ng rehistradong baril ang mga empleyado ng gobyernong may permanenteng posisyon, at hindi sakop nito ang mga tanod.
“Batuta, teargas, posas, flashlight, at iba pang non-lethal gadgets ang pupuwedeng bitbitin ng mga tanod sa kanilang trabaho” ani Ano.
Sa muling pagbabalik ng ‘Oplan Tokhang’, makakasama ulit ng pulisya ang mga opisyal ng barangay, at maging mga tanod, sa kanilang pangangatok sa mga hinihinalang adik o ‘tulak’ ng ilegal na droga.
Matatandaang nitong nagdaang Disyembre, nasangkot ang mga tanod sa pamamaril na ikinamatay ng dalawang inosenteng sibilyan sa Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong.
Lumitaw sa imbestigasyon na hindi pala ang mismong hinahabol ng pulisya ang napaulanan ng bala ng mga tanod at pulis nang gabing iyon.
- Latest