MANILA, Philippines — Dinakip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang Chinese nationals at apat nilang mga bodyguards dahil sa pagtangay, pagposas at pagdukot sa kanilang kapwa Chinese sa loob ng isang bahay sa Pasay City.
Nahaharap din sa kasong illegal detention ang mga suspek na sina Su Jianshui, alias Ah Sin at Chenwin Bin.
Ayon kay NBI Director Dante A. Gieran, noong gabi ng Enero 18 nang ipinaalam sa tanggapan ng NBI-Anti Organized and Transnational Crime Division (AOTCD) na dalawang Chinese ang ipinosas sa loob ng Scape Building sa Diosdado Macapagal Avenue, sa Pasay City.
Bunsod nito, nagsagawa ng operation ang NBI-AOTCD kung saan nasagip sina Ai Xiao Geng at Xiao Qzao Ling habang naaresto naman ang apat na mga nagbabantay sa kanila.
Ayon sa mga nasagip na mga biktima, inakusahan sila ni Su Jianshui na nagwala ng halagang RMB 700,000 o may katumbas na P5.5 milyon, gayunman itinanggi ito ng mga biktima.
Sa isinagawang follow up operation, naaresto ang mga suspek sa loob ng Shell residences sa Pasay City na positibo namang kinilala ng mga biktima na nagposas at tumangay sa kanila.
Nauna dito, ang pagkakaaresto sa dalawang Chinese national ay nabuking matapos na makakuha ng impormasyon ang mga awtoridad mula sa CYX Manpower Services na may tanggapan sa Diplomat Condominium, Russel Ave., Roxas Blvd., Pasay City na umano’y nangangailangan ang dalawang suspek ng bodyguards.
Ayon sa mga kinuhang mga bodyguards, ipinakilala sila sa dalawang Chinese nationals na mga amo at inutusan na babantayan nila ang naturang kuwarto kung saan hindi dapat makatakas ang dalawang nakakulong sa loob dahil malaki ang pagkakautang sa kanila.