40-taon sa ex-police officer, 5 pa sa pagkidnap sa Pakistani
MANILA, Philippines — Pagkaraan ng sampung taon, hinatulan na kahapon ng reclusion perpetua o 40-taong pagkakulong ang anim na katao kabilang ang isang dating police official at dating sundalo matapos kidnapin ang isang negosyanteng Pakistani national noong 2007 sa Makati City.
Sa 28 pahinang desisyon ni Judge Elmo Alameda, ng Brach 150 ng Makati City Regional Trial Court (RTC), ang mga nahatulan ay sina Police Sr. Inspector Eleazar Seiton; Jonathan Melgo; Ahmad Guiamad; Sgt. Luminog P. Guiapal , alyas Mike Asim; Jumel Tunal Canazares, alyas Corporal Jumel Cana-zares at Beltran Tompeta Taba, alyas Taba.
Ang mga ito ay guilty sa kasong paglabag sa Article 267 ng Revised Penal Code (Kidnapping for Ransom), samantalang pinawalang sala naman sila sa kasong theft.
Samantala, kinilala naman ang biktima at complai-nant na si Tariq Mian, isang Pakistani national, negos-yante at taga San Lorenzo Village, Makati City.
Base sa record ng korte, naganap ang pangingidnap ay noong Mayo 24, 2007, alas-8:30 ng gabi sa harapan ng pag-aaring tindahan ng biktima sa Silver Rose General Merchandise, na matatagpuan sa panulukan ng Dela Rosa at Santuico Sts. ng naturang lungsod.
Nasa harap ng tindahan ang biktima, kasama ang helper na si Joeffrey Cabading at bayaw na si Jason Panis nang dumating ang mga akusado sa pangunguna ni Seiton na may dalang warrant of arrest laban sa una hinggil umano sa kaso nitong illegal recruitment, large scale estafa. Gayunman, napag-alaman na sa orihinal na warrant of arrest na dala ng mga akusado ay hindi illegal recruitment, kundi estafa lamang at wala naman ang pangalan ng biktima.
Dito na nila kinuha si Mian at isinakay sa isang Toyota Innova kung saan hinihingan ito ng mga akusado ng ransom money na halagang P50 million para sa kanyang kalayaan.
Subalit, nagmakaawa ang biktima sa mga akusado na ang kaya lamang niya ay P5 million at matapos magtawaran ang naibigay lamang ni Annalisa, misis ng biktima sa mga akusado ay P2 million.
Kahit naibigay na ang naturang halaga, hindi kaagad pinalaya ng mga akusado ang biktima.
Noong Hunyo 3, 2007 sa kahabaan ng Nicanor Garcia St., Makati City, isinakay nina Melgo at Guiamad sa taxi ang biktima at hindi alam ng mga ito na may ikinasang rescue operation ang operatiba ng PACER.
Nagresulta ito sa pagkakadakip sa mga akusado at pagkakasagip naman sa biktima.
- Latest