MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang 59-anyos na brgy. chairman nang tambangan ng anim na lalaki na magkaka-angkas sa tatlong motorsiklo sa Malate, Maynila, kahapon ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Abdul Munap Akok, residente ng Estrella St., Pasay City at chairman ng Barangay 14, Zone 1, Pasay City na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na pinaniniwalaang mula sa kalibre 45 at kalibre 9 mm, base sa mga narekober na basyo ng bala sa crime scene.
Sa ulat ni SPO2 Mario Asilo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala-1:00 ng hapon nang maganap ang pangraratrat ng mga suspek sa tapat ng isang fastfood chain, na matatagpuan sa panulukan ng FB Harrison at P. Ocampo Sts., sa Malate.
Hindi naman namukhaan ang mga suspek na pawang nakasuot ng sombrero, helmet at naka-face masks.
Aalamin pa sa lugar kung kaninong closed circuit tele-vision (CCTV) ang nakahagip sa insidente.
Nabatid na katatapos lamang kumain ng biktima at isang lalaki na kaangkas din nito sa motorsiklo nang salubungin ng mga suspek at kinorner bago pinaulanan ng putok ng 3 backride nang tumumba ang biktima ay nilapitan, pinutukan muli at kinuha ang dala nitong baril.
Nakatakbo naman ang backride ng biktima nang matunugan na ang mga suspek kaya hindi siya nadamay sa pamamaril.
Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente at kung sino ang backride na maaring makuhanan ng impormasyon hinggil sa pangyayari.
Blangko pa ang mga awtoridad sa motibo ng krimen.