MANILA, Philippines — Dalawa katao ang patay kabilang ang isang babae habang dalawa pa ang malubhang nasugatan matapos silang paulanan ng bala ng mga pulis at barangay tanod nang mapagkamalang mga suspek habang patungo ang mga biktima sa isang ospital para magdala ng pasyente sa Mandaluyong City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang mga nasawing biktima na sina Jonalyn Ambaon at Jomar Hayawon na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan. Sila ay idineklarang dead-on-the-spot sa pinangyarihan ng insidente.
Sugatan sa insidente ang live-in partner ni Ambaon na si Eliseo Aluad at driver na si Danilo Santiago na nagtamo rin ng mga tama ng bala sa katawan at ginagamot sa Mandaluyong City Medical Center (MCMC). Nakaligtas naman ang tatlo pa nilang kasamahan na sina Mhury Jamon, Ruel Distor at Si-meon Rimbao.
Ayon kay Eastern Police District Director Chief Supt. Reynaldo Biay, nagsimula ang insidente matapos ang pamamaril kay Ambaon sa ulo ng isang LPG delivery man habang umaawat sa away ng dalawang grupo sa construction site sa Mandaluyong City College Freedom Park, Brgy. Additon Hills dakong alas-10:20 ng gabi.
Nagkaroon umano ng ma-initang pagtatalo sa pagitan nina Aluad, Ambaon at grupo ni Albdulrakman Alfin laban sa grupo ni Aluad at Jeffrey Hernandez.
Sa gitna ng mainitang pagtatalo, pinaputukan ng grupo ni Alfin ang kalabang grupo kung saan tinamaan sa ulo si Ambaon.
Sinabi ng testigo na naka-rinig sila ng putok na unang tumama kay Ambaon.
Agad na sumaklolo ang mga kasamahan ni Aluad upang mailigtas ang sugatang kasamahan gamit ang isang sasakyan upang isugod sa ospital. Pero tumawag ang kalabang si Alfin sa Bantay Bayan ng Brgy. Addition Hills at inireport na may mga armadong kalalakihan na lulan ng kulay puting Mitsu-bishi Adventure (WNX-737) na namamaril kung saan hiningi na rin nila ang ayuda ng mga tauhan ng Police Precinct 1 ng Mandaluyong City Police. Ang kasamahan ni Alfin na si Salam Abdul Majid ay umalis sa lugar pero pagbalik umano ay may dala na ring baril.
Dahil dito, nagkaroon na nang habulan sa pagitan ng isang puting Mitsubishi Adventure na kinalululanan ng pitong katao kasama si Aluad habang patungo sa ospital at ng sasakyan ng mga brgy. tanod kung saan nagsilbing driver si Gilberto Gulpo.
Hinabol ng mga tanod sina Aluad at nang abutan sila sa Shaw Boulevard, Brgy. Old Wack Wack, dito na pinaputukan ni Gulpo.
Sa puntong ito, dumating ang mga nagrespondeng operatiba ng Mandaluyong City Police lulan ng mobile car at pinababa ang mga lulan ng behikulo na ayon sa mga tanod ay mga armado umano ang sakay.
Nang hindi umano bumaba ang nasa sasakyan, pinaputukan ito ng sunud-sunod ng mga pulis.
Narekober sa crime scene ang 36 basyo ng bala.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa insidente kasama na ang National Bureau of Investigation at maging ang Commission on Human Rights.