3 katao nagbebenta ng illegal na paputok sa internet, timbog

Ayon kay Supt. Rogart Campo ng QCPD — District Special Operations Unit, nagkasa sila ng entrapment operation matapos mapag-alaman na mayroong bentahan ng mga paputok sa internet. Boy Santos/File

MANILA, Philippines — Huli sa isinagawang entrapment operation ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang tatlo katao na nag­bebenta ng mga malalakas at bawal na paputok sa pamamagitan ng internet sa lungsod, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni QCPD Director Guillermo Eleazar ang tatlong nadakip na sina Maria Celeste Lingad, 38;  Alvin Abainza, 38 at Danilo Tupas, 41.

Ang pag-aresto sa tatlo ay isinagawa dakong alas-7:53 ng gabi sa isang kilalang food chain sa Mindanao Avenue corner Congressional Avenue, Quezon City.

Ayon kay Supt. Rogart Campo ng QCPD — District Special Operations Unit, nagkasa sila ng entrapment operation matapos mapag-alaman na mayroong bentahan ng mga paputok sa internet.

Isang asset ng mga pulis  ang nagkuwaring kostumer na bumili ng malalakas at bawal na paputok sa tatlo at nagkasundong magkikita sa isang food chain para makuha ang order.

Aktong iniaabot ng mga suspek ang mga paputok na sawa, judas belt, whistle bomb, trianggulo at iba pang uri ng bawal na firecrackers nang ares­tuhin sila ng mga awtoridad.

Nabawi mula sa mga suspek ang tinatayang nagkakahalaga ng P90,000 ng iba’t ibang uri ng bawal na paputok na nakalagay sa kanilang sasakyan na Isuzu Crosswind.

Wala ring maipakitang dokumento ang mga suspek tulad ng license to operate at permit to transport kaya siya tuluyang inaresto at dinala sa himpilan ng pulisya.

Show comments