‘Pagwalis’ sa lumang jeep, tuloy sa Enero 2018

MANILA, Philippines — Bagamat tuloy na tuloy ang pagpapatupad sa moder­nization program ng pamahalaan sa mga lumang  jeep sa buong bansa, aminado ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na malamang abutin pa ng tatlong taon ang transition period para  tuluyang mawala ang mga lumang jeep sa mga lansangan.

Ito ang pahayag ni Department of Transportation Undersecretary for Road Transport at Metropolitan Manila Development Autho-rity (MMDA) General Ma-nager Tim Orbos.

Ayon kay Orbos, base sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte, pagdating ng Enero 2018 ay ipagbabawal na ang mga lumang jeep na papasada sa kalye sa buong bansa.

Bunsod ito sa ipatutupad na PUJ modernization program ng gobyerno. .

Nais ng kasalukuyang pamahalaan na maging mo-derno na ang pampublikong transportasyon sa buong bansa para aniya  mabigyan ng maganda at may kalidad na serbisyo ang mga mana­nakay.

Bukod dito ay para na rin sa kaligtasan at kalusugan ng mga commuters at higit sa lahat ay lumuwag sa masikip na daloy ng trapiko ang mga lansangan partikular ang Metro Manila.

Base sa rekord, ang mga lumang jeep ay isa mga sanhi ng pollution, na masama ang epekto nito sa kalikasan at sa kalusugan ng tao.

Delikado rin aniya ang mga lumang jeep sa kaligtasan ng mga mananakay.

Bukod, dito ay nakaka­dagdag din aniya ito sa pagsisikip ng trapik sa Metro Manila.

Lalu pa’t naunang ipinahayag ni Orbos na sa ikatlong quarter ng taong 2018, asahan na mas magiging  malala ang trapik sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila kabilang ang EDSA dahil sa mga nakatakdang infrastructure project ng gobyerno tulad ng extension ng LRT, common station ng LRT at MRT, construction ng mga tulay at rehabilitasyon ng Guadalupe Bridge.

Sa pahayag naman ni MMDA for operation supervisor Bong Nebrija, lahat aniya ng construction pro-jects sa Metro Manila ay may mga traffic contingency plan   na katuwang ang local government Unit (LGUs) na masolusyunan ito.

Show comments