MANILA, Philippines — Hindi na makapagdiriwang ng Kapaskuhan at Bagong Taon ang dalawa sa tatlong pinaghihinalaang holdaper matapos na makipagpalitan ng putok sa mga operatiba ng Manila Police District (MPD) sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng madaling-araw
Dead-on-the-spot ang mga suspek na si Nestor De Vera Jr., 24,miyembro ng Sputnik Gang at naninirahan sa isang barung-barong sa PNR station sa Tondo habang ang isa pang nasawi ay nakilala lamang bilang “Lugaw”, na nasa edad 35-40, at miyembro ng Commando Gang.
Sa report ni Det. Marlon San Pedro ng Mnaila Police (MPD)-homicide section, dakong alas-12:55 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Solis St., sa Tondo.
Nauna rito, hinoldap umano ang isang Delia Lopez kung saan sapilitang tinangay ang kanyang pitaka na naglalaman ng P10,000 cash; gintong kuwintas na nagkakahalaga ng P2,000; isang cellphone na halagang P2,000, sa Cavite St., malapit sa panulukan ng Juan Luna St., Tondo.
Nagreklamo ang biktima sa tanggapan ni P/Supt. Jay Dimaandal, Station Commander ng MPD-Raxabago na agad na ipinag-utos kay Chief Insp. Manny Israel, hepe ng Station Anti-Crime Unit ang pagsasagawa ng follow-up operation at namataan ang tatlong suspek sa Solis St.
Natunugan umano ng mga suspek na sila ang pakay ng mga pulis kaya pinaputukan kaagad ng mga ito ang mga pulis dahilan para gumanti na nagresulta sa pagkamatay ng dalawa, habang nakatakas naman ang isa nilang kasamahan.
Nakuha sa mga suspek ang isang kalibre 45 baril, na kargado ng tatlong bala at .38 kalibreng baril, bukod sa tatlong pirasong bala ng 9MM na kalibreng baril.
Positibo naman kinilala ng biktima ang mga nasawi na siyang nangholdap sa kanya.