MANILA, Philippines — Umaabot sa 50 bahay ang naabo matapos, sumiklab ang isang sunog kahapon ng hapon sa may Capulong St., Tondo, Maynila.
Nabatid kay Fire Chief Inspector Joselito Reyes, ng Manila Fire Bureau (MFB) nagsimula umano ang sunog dakong alas-12:35 ng hapon na umabot sa ikatlong alarma at idineklarang fire-out pasado ala-2 ng hapon.
Wala namang iniulat na nasawi o nasaktan sa naturang sunog na naging dahilan sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Road 10 dahil sa pagmamadali ng mga residente na mailigtas ang kani-kanilang mga kagamitan.
Nalaman na nakatulong umano ang malakas na pagbuhos ng ulan para mapigil ang pagkalat pa ng sunog. Tinatayang may 200 residente ang naapektuhan sa sunog.
Samantala sa Muntinlupa City, nasa 20 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos masunog ang nasa 10 kabahayan kahapon.
Ayon sa report, nagsimula ang sunog alas-8:15 ng umaga sa Mendiola St., Purok 1, Brgy. Alabang ng naturang siyudad.
Dahil pawang gawa sa light materials, nasa 10 kabahayan ang tinupok ng apoy na umabot sa ikatlong alarma. Mabilis namang rumisponde ang mga bumbero sa lugar at alas-9:24 ng umaga idineklarang fire-out ang sunog.