PISTON leader George San Mateo, inaresto
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang presidente ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na si George San Mateo sa Quezon City Hall of Justice, kahapon ng tanghali.
Si San Mateo ay nakatakda sanang magpiyansa ng P4,000 dakong ala-1:30 ng tanghali sa Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 43, Judge Don Ace Mariano Alagar dahil sa kasong paglabag sa Section 20 of the Commonwealth Act No. 146, o Public Service Act kaugnay ng kanilang isinagawang transport strikes o tigil pasada noong Pebrero 27, 2017 para tutulan ang jeepney modernization program ng pamahalaan.
Hindi na pinahintulutang makapasok sa gusali ng Hall of Justice si San Mateo noong siya ay arestuhin ng mga awtoridad ng QCPD station 10 at dalhin sa Kamuning police station.
Ayon kay Atty. Vicente Jaime Topacio, abogado ni San Mateo, isa lamang minor offense at baillable ang kinakaharap na kaso ng kanyang kliyente pero hindi umano nirespeto ang karapatan nito na magpiyansa sa halip ay inaresto pa.
“Personal appearance na lang sa court ang kulang eh at inaresto siya sa mismong hall of justice na eh” sabi ni Topacio.
Igiinit pa ni Atty. Topacio na ayaw nilang magkaroon ng delay sa proseso ng kaso at magkaroon ng drama pero nangyari ang ayaw niyang mangyari dahil dinakip ang kanyang kliyente.
Samantala, ilang oras matapos itong arestuhin ay nakapaglagak din ng piyansa si San Mateo makaraang sumailalim sa booking procedure sa QCPD Station 10.
Isinailalim din siya sa medical check-up sa naturang himpilan ng pulisya.
Sa ginawang pag-aresto sa kanya, mariing kinondena ni San Mateo ang umanoy panggigipit sa kanya dahil sa pahayag sa mga isyung pambansa tulad ng pagtutol nila sa jeepney modernization program ng gobyerno na nagreresulta ng jeepney phaseout.
- Latest