MANILA, Philippines — Sinimulan na ng pamahalaang-lunsod ng Makati ang pagtunton sa mga estudyante at empleyadong nakatanggap ng kontrobersiyal na bakuna laban sa dengue para subaybayan ang kanilang kalagayan dahil sa babala sa posibleng masamang epekto nito sa kanilang kalusugan.
Sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay sa isang pahayag na, sa kasalukuyan, masusing imomonitor ng city health department ang kalusugan ng mga estudyante at maging ng mga empleyadong naturukan ng naturang bakuna.
“Hahanapin namin ang lahat ng nabakunahan at imomonitor ang kanilang kalagayan para sa anumang kaganapan,” paliwanag ng alkalde.
Inutos ni Binay ang kagyat na pagsuspinde sa kampanya ng lunsod sa anti-dengue vaccination dahil sa naglabasang mga ulat kamakailan hinggil sa bakunang ipinamahagi ng Department of Health sa mga pamahalaang lokal.
Inatasan din ng alkalde ang Makati Health Department na makipag-ugnayan sa DepEd Makati at masusing imonitor ang kalagayan ng mga estudyanteng nabigyan ng bakuna. Sinuspinde rin ang vaccination drive sa mga empleyado ng pamahalaang-lunsod ng Makati hanggang sa magpalabas ang DOH ng paglilinaw at konkretong panuntunan sa nararapat gawin.
Noong nakaraang linggo, isang pahayag ang ipinalabas ng Sanofi Pasteur na tagagawa ng Dengvaxia, isang bakuna laban sa dengue. Sinabi rito na ang gamot ay maaaring makasama kapag ibinigay ito sa indibidwal na hindi nagkaroon ng sakit na dengue. Ang Pilipinas ang unang bansa sa Asya na nagpatibay sa dengue vaccine para sa mga indibidwal na may edad na siyam hanggang 45 taong gulang.
Noong Agosto 14, inilunsad ng Makati ang vaccination program sa buong lunsod laban sa dengue para sa mga batang may edad na siyam hanggang 14 na taong gulang.
Nakatanggap ang lunsod ng 65,000 unit ng anti-dengue vaccine mula sa DOH. Pinakilos ang mga duktor at nurse para saklawin ang lahat ng health center at public elementary school at high school sa Makati.
Ayon naman kay city health officer Dr. Bernard Sese, mayroon pang ilang public high school na hindi pa nakakatanggap ng naturang bakuna.