Body camera, bawal alisin sa katawan sa tuwing operasyon -EPD
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng pamunuan ng Eastern Police District (EPD) na bawal alisin sa katawan ng mga pulis ang ibinigay na body camera sa kanila sa oras ng kanilang police operation.
Ayon kay EPD Director Chief Supt. Romulo Sapitula, ang sinumang tauhan ng Pasig police na una nang nabigyan ng body camera na magtatanggal nito sa kanilang operasyon ay papatawan ng kasong administratibo na maaaring ikasibak sa kanilang trabaho.
Sinabi ni Sapitula, ang paggamit ng body camera ay upang ipakita sa publiko ang ‘transparency’ sa kanilang trabaho.
Sa panig naman ni Supt. Orlando Yebra, hepe ng Pasig City Police ay sinabi nito na maging sa pagsasagawa ng police check point ay kailangang nakalagay ang mga body camera sa katawan ng kanyang mga tauhan.
Ani Yebra, kailangang i-upload sa computer ang anumang magiging resulta ng police operation tulad ng raid, surveillance operation, Oplan Sita, Oplan Galugad, Search and Rescue operation at iba pa.
Ginamit na kahapon ang kabuuang 48 units ng body cam na binili ng Pasig City government, sa pangunguna ni Pasig City Mayor Robert Eusebio, na ipinamahagi sa 11 police community precincts (PCPs) sa Pasig.
Sinaksihan pa ni NCRPO Director Oscar Albayalde ang paggamit ng Pasig police sa paggamit ng body camera sa isinagawang police checkpoint sa Shaw Boulevard corner Oranbo, Pasig City.
Kumbinsido si Gen. Albayalde na malaki ang maitutulong ng mga body camera upang lalo pang mapabuti ang pagbibigay ng serbisyo ng mga pulis sa publiko at maiwasan na rin ang ilang napapabalitang pangongotong.
- Latest