Tandem-holdaper tiklo sa Caloocan
MANILA, Philippines — Nadakip na ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) ang riding-in-tandem criminals na sangkot umano sa serye ng mga holdapan sa Northern Metro Manila area sa Caloocan City kahapon.
Kinilala ni NPD Director Chief Supt. Amando Clifton Empiso ang mga naarestong kawatan na sina Angelito Valida, 43, ng Josefina St., Caloocan City at Renato Lakandula alyan “Dodong”, 42, ng #428 3rd Avenue ng naturang lungsod.
Ayon kay Caloocan Police Community Precinct (PCP) 2 commander Sen. Insp. Dave Anthony Capurcos, isa sa mga biktima na si Robert Mapula, 21, sales agent at residente ng 15 P De Vera St. Sipac, Almacen, Navotas City ang nagturo sa mga otoridad na nasa panulukan ng 3rd Ave. at D. Aquino St., alas-7:00 ng umaga ang mga suspek at halatang naghahanap muli ng kanilang mabibiktima.
Mabilis na rumisponde ang mga tauhan ng Special Reaction Unit (SRU) at ng PCP-2 sa nasabing lugar hanggang sa namataan ang isa sa mga suspek na may nakausling baril sa kanyang baywang.
Nang sitahin ng mga pulis, tumakbo ang mga suspek na naging dahilan upang habulin ng mga pulis at sa tulong ng mga residente sa nasabing lugar ay agad nasakote ang dalawa.
Nakuha sa mga naarestong suspect ang cal. 45 pistola na may magazine na kargado ng walong bala, apat na cellphone, limang walang laman na wallet at isang itim na Yamaha XRM na walang plaka.
Positibo namang kinilala ni Mapula ang mga suspek na umano’y humoldap sa kanya noong nakaraang linggo.
- Latest