Heart ailment ang ikinamatay ni Atio
MANILA, Philippines — Humarap kahapon sa Department of Justice (DoJ) ang tatlong doktor upang suportahan ang depensa ng Aegis Juris fraternity na hindi ang ginawang hazing ang dahilan ng pagkamatay ni University of Santo Tomas (UST) law student Horacio Castillo III.
Isinumite ng mga doktor na sina Floresto Arizala Jr., Rodel Capule at Bu Castro ang kanilang affidavits sa investigating panel na pinamumunuan ni Asst. State Prosecutor Susan Villanueva na nagsasabing ang kondisyong ‘hypertrophic cardiomyopathy’ (HCM) ni Castillo ang dahilan ng pagkamatay nito.
Pinabulaanan din nila ang findings ng medico-legal ng Philippine National Police (PNP) na ang mga tinamong sugat, partikular ang sinasabing ‘acute tubular necrosis and congestion’ ang siyang ikinamatay umano ni Castillo.
Sinabi ni Arizala, na dating hepe medico-legal division ng National Bureau of Investigation (NBI) at isa ring abugado, na wala raw umanong namamatay sa hazing.
Tinukoy naman ni Capule ang initial medico-legal ng Manila Police District (MPD) crime laboratory office na nagsasaad na si Castillo umano ay may ‘enlarged heart’ nang isagawa ang hazing at hindi rin daw umano maaaring iisantabi ang naging finding ni Supt. Joseph Palmero ng Crime Labaratory Office ng PNP.
Ani naman ni Castro na hindi kapani-paniwala ang naging pagsusuri ni Dr. Palmero sa tunay na dahilan ng ikinamatay ni Castillo, na aniya ang totoong dahilan ng pagkamatay ni Castillo ay ang HCM na siya ring nakasaad sa death certifate nito.
Matatandaang umapela ang mga sangkot na frat members sa pagkamatay ni Castillo na i-dismiss ng korte ang mga kasong isinampa laban sa kanila ng MPD at mga magulang ni Castillo.
- Latest