MANILA, Philippines — Tulad na rin ng inaasahan nagkagirian at nagsalpukan ang hanay ng mga pulis at mga militanteng grupong nagsagawa ng kilos protesta matapos magpumilit ang grupo ng huli na makapasok sa Taft Avenue sa kanto ng Padre Faura sa Maynila sa pormal na pagbubukas ng ASEAN Summit 2017.
Mahigit 80 katao sa magkabilang panig ang sinasa-bing nasugatan sa salpukan. Ilang mediamen din ang kabilang sa nasugatan.
Kasama sa mga nagkilos protesta ang grupong Ga-briela, Bayan Muna, ANAKPAWIS, Migrante, KMU, mga Katutubo at iba.
Nilalabanan ng militanteng grupo ang pagdating ni US President Donald Trump sa ginaganap na ASEAN Summit kung saan naniniwala silang magududulot lamang ng kahirapan sa bansa ang anumang pag-uusapan sa nasabing pagpupulong.
Sigaw ng libu-libong militante ang mahigpit na pagtutol sa pagpunta ni Trump sa bansa kung saan may bitbit silang karatula na “Ban Trump in the Philippines”, gayundin ang imperyalismo.
May ginawa ding effigy ni Trump ang mga militante kung saan may apat na kamay.
Ang bawat isang kamay ay may hawak na baril, crane, missle, at pera.
Mayroon ding maliit na effigy ni Pangulong Rodrigo Duterte sa likuran ni Trump na sumisimbolo naman na su- porter ito ng Estados Unidos.
Sa Taft Avenue, Padre Faura ay nakabantay naman ang mga kapulisan upang hindi na makapasok pa ang mga militante patungo sa Roxas Boulevard.
Napilitan naman na bombahin ng water canon ang mga militante dahil sa pagpupumilit nilang makapasok sa hanay ng mga pulis bagamat pilit na pinipigilan ng kanilang mga lider ay hindi pa rin natinag ang mga agresibong militante kaya naman nagkaron muli ng balyahan, gitgitan at tulakan at batuhan.
Samantala, dalawang lider ng mga raliyista ang kinasuhan kahapon makaraang isa sa kanilang suppor-ters ang niragasa ang isang van sa police line kung saan ilang pulis ang nasugatan.
Ayon kay Chief Inspector Ronald Andres, MPD Criminal Investigation and Detection Unit, na ang mga kinasuhan ay sina Renato Reyes at Teddy Casiño at ang isa nilang supporter na si Neil Legaspi. Breach of peace, assault upon a person in authority at disobedience at resistance ang isinampang kaso sa mga nabanggit.