P21-M shabu nasabat: Anak ng drug queen timbog
MANILA, Philippines — Arestado ang babaeng anak ng tinaguriang drug queen at convicted drug pusher na si Yu Yuk Lai matapos salakayin ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kanyang tahanan na ma-tatagpuan lamang sa tabi ng Palasyo ng Malacañang sa San Miguel, Maynila kahapon ng umaga.
Kaugnay nito, aabot sa kabuuang P21 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng PDEA sa dalawang magkasunod na raid una sa selda ng drug queen na si Lai sa Correctional Mandaluyong at sa condominium ng kanyang anak sa Maynila.
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng suspek na si Diane Yu Uy, matapos na maaresto dakong alas-10:00 ng umaga sa kanyang condominium unit sa Gen. Solano St., sa San Miguel, Maynila na ilang metro lamang ang layo sa Gate 1 ng Malacañang Palace.
Nakumpiska mula kay Yu ang tinatayang aabot sa dalawang kilo ng shabu, na nagkakahalaga ng P10 milyon.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, bago nila isinagawa ang pagsala-kay ay inimpormahan nila hinggil dito si Special Assis-tant to the President (SAP) Bong Go.
Sinabi ni Aquino, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa illegal na aktibidad ni Uy, kaya’t kaagad na isinagawa ang pagsalakay sa bisa ng isang search warrant.
Si Uy ay sinasabing anak ng tinaguriang “drug queen” na si Yu Yuk Lai na nakakulong sa Correctional Institute for Women (CIW).
Hinala ng PDEA na ginagamit ng drug queen ang kanyang anak bilang kanyang operator sa labas, habang siya ay nasa loob ng bilangguan.
Bago ang pag-aresto kay Uy ay sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng PDEA, SWAT, PNP-LRU at BuCor ang selda ni Yu Yuk Lai sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City dakong alas-4:30 ng madaling araw kahapon.
Nakuha sa kubol ng drug queen ang 27 pantyliners na may palamang mga shabu at samu’t saring bloke ng crystals.
Tinatayang nasa 135 gramo ng shabu ang nakuha na nakapalaman sa pantyli-ners na ang halaga ay nasa P1 milyon.
Narekober din mula sa selda ni Yu Yuk Lai ang dalawang kilo pa ng shabu na nagkakahalaga ng P10-milyon, 19 na tseke na may halagang P4.5 milyon at P100,000 cash.
Isinagawa ang pagsala-kay sa selda ni Yu Yuk Lai nang makumpirma sa isang buwang surveillance at test buys na may nabibiling sachet ng droga, na nakapalaman sa panty liners.
- Latest