20 bahay naabo sa sunog
MANILA, Philippines — Nasa 50 pamilya ang nawalan ng tahanan matapos na lamunin ng apoy ang may 20 kabahayan sa naganap na sunog sa isang residential area sa Paco, Maynila kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Manila Fire Department, dakong alas 8:58 ng umaga nang sumiklab ang apoy sa ikalawang palapag ng bahay ng isang Rosalinda Aboleda na matatagpuan sa no. 1238 H. Santiago St., malapit sa panulukan ng Pedro Gil St., Paco, sakop ng Barangay 684.
Dakong alas 9:24 nang ideklarang nasa 4th alarm na ang sunog dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy sa mga kabahayan na pawang yari sa light materials at nahirapan pang apulahin agad ang apoy dahil kinailangan pang tumawid sa creek ang mga bumbero.
Umabot sa 20 bahay ang naapektuhan kung saan nakatira ang nasa 50 pamilya .
Masuwerteng walang naitalang nasaktan o nasugatan sa sunog na tinatayang napinsala ang nasa P100,000 hala-ga ng mga ari-arian.
Patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog na idineklarang fire under control ng alas-10:18 ng umaga kahapon.
- Latest