Ex-warden ng Parañaque City jail, 2 jail guards ipinaaaresto ng korte
MANILA, Philippines — Pinaaaresto na ng korte ang da-ting warden ng Parañaque City Jail at dalawa pang jail guard hinggil sa naganap na pagsabog sa nabanggit na kulungan na ikinasawi ng 10 inmates kabilang ang dalawang Chinese nationals, na naganap noong 2016.
Ang warrant of arrest ay inisyu ni Parañaque City Regional Trial Court (RTC), Branch 274 Judge Madrona Fortunito na may petsang Setyembre 4 ng taong kasalukuyan laban sa dating warden ng Parañaque City Jail na si Supt. Gerald Bantag dahil sa 10 counts murder na kinakaharap nito.
Kabilang din sa inisyuhan ng warrant of arrest sina Jail Officer 2 Ricardo Zulueta at Jail Officer 2 Victor Pascua.
Nabatid na naging warden din ng Manila City Jail si Bantag, subalit nang labasan ito ng warrant or arrest ay sinibak din ito sa kanyang pwesto.
Matatandaan, na noong Agosto 11, 2016 ay nagkaroon ng pagsabog ng granada sa loob ng Parañaque City Jail na ikinasawi ng 10 preso na sina Jacky Huang; Yonghan Cai, kapwa Chinese nationals at may kasong droga; Waren Manampen; Ronald Domdom; Rodel Domdom; Danilo Pineda; Joseph Villasor; Oliver Sarreal; Jeremy Flores at Jonathan Ilas.
Matapos ipatawag ang mga ito ni Bantag sa kanyang tanggapan dahil humihiling ang naturang mga preso na magpalipat ng kulungan.
- Latest