MANILA, Philippines — Palalakasin pa ng Light Rail Transit Authority (LRTA) at Philippine National Police (PNP) ang pagbibigay seguridad sa daang libong mga commuters ng LRT Line 2 partikular na ngayong nalalapit na ang kapaskuhan.
Ito’y matapos na lumagda sina PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa at LRTA Administrator Reynaldo Berroya sa isang Memorandum of Agreement (MOA) na isinagawa sa Gateway Cubao-Araneta station ng LRT Line 2 kahapon.
Sinabi ni dela Rosa na maglalagay ang PNP ng karagdagang Police Assistance Desks sa mga istasyon ng LRT Line 2 na ang ruta ay mula Santolan, Pasig hanggang CM Recto sa lungsod ng Maynila.
“The signing of the Memorandum of Agreement is very timely as we in the PNP continue to ensure the effective implementation of PNP Patrol Plan 2030 with our major objective of improving crime prevention and solution and ensuring the safety of the general public especially our commuters at all times”, ani dela Rosa.
Samantalang mamamahagi rin ng mga materyales ang PNP hinggil sa mga tips kung paano mapipigilan ang anumang krimen at maging ang iba pang programa para sa seguridad.
Ayon naman kay Berroya pagkakalooban ng LRTA ng libreng sakay ang mga police personnels basta’t nakakumpletong uniporme ang mga ito at may valid na PNP identification card.
“The police visibility and the provision of women’s desk at Santolan, Cubao and Recto are effective to prevent sexual advances inside the stations especially that most of our patronage riders are students”, giit pa ng opisyal.