Banko, nilooban ng ‘Termite Gang’

Ang manhole sa tapat ng banko na dito pumasok ang mga kawatan at sa kabila ay ang butas sa sahig sa loob ng banko na siyang tinibag ng mga suspect para makapanloob. Kuha ni Boy Santos
MANILA, Philippines — Isang banko ang nilooban ng mga sinasabing miyembro ng “Termite Gang” sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Nabatid mula kay Supt. Tomas Nuñez, hepe ng Station 5 ng Quezon City Police District, dakong alas-8:00 ng umaga ng natuklasan ang panloloob sa China bank sa Camaro, St., corner Commonwealth Avenue, Brgy. Greater Fairview, Quezon City.
Ayon sa report, dumaan ang mga suspek sa manhole sa tapat ng banko at humukay patungo sa loob ng China bank.
Sinabi ni Nuñez, tumawag sa kanila ang operations head ng banko na si Marlou Espejo at ini-report ang insidente.
Pagpasok sa loob ay maputik ang sahig at isang manhole na may lapad na 2 talampakan ang nakita sa loob ng bangko na siyang sinasabing pinagdaanan ng mga suspek.
Tinunton ng mga awtoridad ang manhole at nakita ang lagusan nito na malapit sa ginagawang MRT sa Commonwealth Avenue at nakuha ilang gamit tulad ng crowbars, flashlight, tsinelas at iba pang kagamitan sa pagbubungkal ng lupa.
“Nakapasok ang mga suspek sa banko sa pamamagitan nang paghukay sa underground sa may drainage system” ani Nuñez.
Nang makapasok na sa banko ay puwersahang binuksan ang vault at tinangay ang hindi pa batid na halaga ng salapi. Hinala ni Nuñez, posibleng matagal pinagplanuhan ng mga suspek ang pagnanakaw hanggang magtagumpay ang mga ito.
Inaalam pa rin ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang halagang nakuha sa bangko.
- Latest