Buong puwersa ng Caloocan Police sinibak na

Nagbigay ng mensahe si NCRPO chief Director Oscar Albayalde sa may daan-daang miyembro ng Caloocan City Police na ipasasailalim sa retraining sa Lunes sa Camp Bagong Diwa bilang pagtalima sa direktiba ni PNP chief Dir. Gen. Ronald “Bato Dela Rosa sa isinagawang “relieve in place ceremony” sa Northern Police District sa nasabing lungsod kahapon. Boy Santos

MANILA, Philippines — Tuluyan nang ipinatupad ang pagsibak sa puwesto sa buong puwersa ng Caloocan City Police sa isinagawang “relieve-in-place ceremony” kahapon sa Northern Police District headquarters.

Higit sa 400 tauhan ng Caloocan City Police ang ipinatawag kahapon ni National Capital Regional Police Office chief, Director Oscar Albayalde at inihayag ang kanilang relief order at re-assignment sa Regional Public Safety Battalion.

Nasa 1,000 tauhan naman sa NCRPO-RPSB ang ipinalit sa mga pulis-Caloocan na sasailalim sa tatlong buwang re-training sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.

Nasa 1,143 ang kabuuang tauhan ng Caloocan City Police. Nauna nang sinibak ni Albayalde ang nasa 500 tauhan habang nasa 300 pulis mula sa Malabon, Navotas at Valenzuela ang inihalili sa kanila.

“You will undergo retraining sa Camp Bagong Diwa. Kayong 1,143 sabay sabay kayong magre-retraining. Gusto ni PNP Chief na sabay-sabay ang training ninyo hindi by batch,” ayon kay Albayalde sa mga pulis kahapon.

Sa mga pumapalag, hinamon ni Albayalde ang mga pulis na magbitiw na lamang sa tungkulin kung ayaw na naipapadala sa ibang lugar at gusto ng malapit na lugar na assignment.

Inaasahan naman na mag-uulat na sa Camp Bagong Diwa sa Taguig ang mga pulis-Caloocan alas-5 ng Lunes ng umaga para sa bago nilang assignment at re-training.

Show comments