Solano pinalaya ng DOJ
Isa pang hazing suspect lumutang
MANILA, Philippines — Iniutos na ng Department of Justice (DOJ) ang pagpapalaya sa sinasabing prima-ry suspect na si John Paul Solano habang nakabinbin ang kasong isinampa laban dito bunsod ng pagkamatay ng hazing victim na si Horacio ‘Atio’ Castillo III.
Kinumpirma ni Acting Prosecutor General Jorge Catalan Jr. na nag-isyu na sila ng release order para kay Solano na nakakulong sa Manila Police District (MPD) headquarters.
Gayunman, sinabi ni Ca-talan, na hindi pa absuwelto si Solano dahil ang rekla-mong isinampa laban dito ay sasailalim sa preliminary investigation sa October 4 at 9 kung saan bibigyan si Solano ng pagkakataon na kontrahin ang alegasyon.
Una nang hiniling ni Atty. Paterno Esmaquel sa DoJ na idismis ang kaso at palayain si Solano dahil sa ito ay sumuko at hindi naging subject ng warrant of arrest.
Samantala, hindi pa lu-mabas ng selda si Solano kagabi sa kabila ng release order at resolution na mula sa DOJ dahil nais pa umanong manatili ng isa pang gabi sa detention cell.
Sinabi ni Atty. Paterno Esmaquel na okey lang sa kaniyang kliyente na manatili pa ng isang gabi kaya nga-yong araw na lamang nila ito susunduin.
Samantala, lumutang kahapon ang isa pang miyembro ng Aegis Juris Fraternity na kabilang din sa look-out bulletin order ng Bureau of Immigration (BI) upang linisin ang kanyang pangalan sa pagpapatibay ng ilang ebidensiya na wala siyang partisipasyon sa initiation rites kaugnay sa pagkamatay ni Atio.
Nagtungo si Jason Adolfo Robinos, kasama ang legal counsel na si Atty. Adenn Sigua, sa Manila MPD-Homicide Section alas-6:00 ng hapon kahapon para magsumite ng affidavit, closed circuit television (CCTV) footages at medical records, bilang paliwanag kung bakit wala siyang kinalaman sa naganap na initiation o hazing noong Setyembre 16.
Sinabi ni Atty. Sigua na miyembro si Robinos ng Aegis Juris Fraternity subalit hindi na umano naging aktibo dahil sa health issue o pagiging diabetic nito simula taong 2015 bagama’t dating officer noong nakalipas na taon.
Nang maganap aniya ang hazing ay may katibayan na nasa Richville sa kaniyang bahay sa Lacson St., Sampaloc, Maynila si Robinos dahil nagkasakit ito at galing lamang sa confinement mula sa Fe Del Mundo Hospital kaya nagpapahinga at wala ring alam sa nagaganap na hazing, ani Atty. Sigua.
Gayunman, dumalo pa aniya si Robinos noong Lunes sa Senate hearing at hindi ito nagtatago kaya hinimok nila ang iba pang miyembro ng nasabing fraternity na sumuko na kung wala namang kinalaman sa kaso.
- Latest