MANILA, Philippines — May posibilidad na masampahan ng kasong kriminal ang taxi driver na nagsabing hinoldap siya ng nasawing dating estudyante ng UP na si Carl Angelo Arnaiz dahil sa pagsisinungaling sa kanyang ibinigay na address at paiba-ibang laman ng kanyang mga sinumpaang-salaysay.
Dahil dito, nanawagan si bagong talagang Caloocan City Police chief, Sr. Supt. Jemar Modequillo kay Tomas Marleo Bagcal na magpakita sa kanyang tanggapan at sagutin kung bakit pekeng address ang kanyang ibinigay sa isa niyang salaysay na hindi matatagpuan sa anumang lugar sa Caloocan at patunayan ang kanyang mga salaysay.
“He can be charged for perjury for telling a lie, for giving a false address,” ani Modequillo. “Doon sa punto na two affidavits, may mga dapat pagdudahan partikular na nagkakaiba ang mga statement doon”, dagdag pa niya.
Kabilang sa magkakaibang detalye ang sinabi ni Bagcal sa unang affidavit na hindi niya namukhaan ang holdaper na nambiktima sa kanya ngunit sa ikalawa niyang salaysay ay inilarawan niya ang holdaper na nakasuot ng itim na sweatshirt na may hood, itim na sombrero, asul na maong shorts, nakatsinelas at may dalang bag.
Magkaiba rin ang oras at lugar kung saan siya pinara at hinoldap. Sa unang affidavit, sinabi niya na sa bahagi ng Brgy. 28 malapit sa barangay hall siya hinoldap habang sa ikalawa ay sa bahagi ng C3 Road. Sinabi rin ni Bagcal sa unang pahayag na tinamaan siya ng bala sa braso habang sa ikalawang affidavit ay sa kamay na.
Una namang pinuna ni Public Attorney’s Office (PAO) chief, Atty. Percida Acosta kung bakit wala ang mga mahahalagang detalye sa salaysay ni Bagcal tulad ng pangalan ng kanyang taxi at plate number nito. Hindi rin umano nasumpaan ang una niyang salaysay.