MANILA, Philippines - Isang 20-anyos na aplikante bilang seaman ang nadiskubreng walang buhay habang nakabigti pa ito sa loob ng banyo ng isang boarding house, sa Quiapo, Maynila, kamakalawa ng gabi,
Nasa early state of decomposition na ang bangkay ni Adrian Albarracin Y Relardo, tubong Sibunga, Cebu at nanunuluyan sa New Pagoda Boarding House na matatagpuan sa no. 844 Interior, Gonzalo Puyat St., Quiapo, Maynila.
Sa ulat ni PO3 Marlon San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, nadiskubre ang bangkay na nakabigti sa nylon cord na nakasabit sa PVC pipe ng kisame ng isa sa mga comfort room ng boarding house, alas-10:00 ng gabi ng Miyerkules.
Sinabi ng janitor ng boarding house na si Josefino Lacdao Jr., 28, natunton niya ang kinalalagyan ng biktima dahil sa masansang na amoy nito kung kaya’t agad niya itong inireport sa pulisya.
Ayon sa isang boarder na si Nino Ramirez, kababayan at dating kaklase sa Cebu, tumawag umano minsan si Albarracin sa kanyang ina sa Cebu at umiiyak ito dahil sa hindi masabing problema bago nangyari ang insidente.
Anggulong depresyon naman dahil sa mabigat na problema ang tinitingnan ng pulisya, na posible umanong nagtulak kay Albarracin para magpatiwakal.