Patay na kelot natagpuan sa basurahan
MANILA, Philippines - Isang bangkay ng lalaki na halos humiwalay na ang ulo nito sa kanyang leeg sanhi ng gilit ang natagpuan sa isang basurahan sa Barangay Dionisio sa Parañaque City kahapon ng madaling araw.
Halos mapugot na ang ulo ng di kilalang biktima na inilarawan lamang na nasa 30 hanggang 35-anyos, nasa 5’4” ang taas, nakasuot ng gray na t-shirt at pantalon at may tattoo sa kaliwang braso.
Sa ulat ng Parañaque City Police, dakong alas-12:45 ng madaling araw nang madiskubre ang bangkay ng lalaki sa tambak ng mga basura sa Ninoy Aquino Highway, sa Barangay San Dionisio.
Sa salaysay sa pulisya ng saksing si Joselito Samonte, isang mangangalakal at ng isang concerned citizen na napadaan sa naturang lugar, inakala lang nila na maaaring sa kalasingan ay nakatulog doon ang bikitima.
Ngunit nang kanilang tingnan ay laking pagkagulat nila nang makitang halos humiwalay na ang ulo nito sa kanyang leeg kaya’t ini-report na ito sa pulisya.
Ayon pa kay Samonte, bago ang pagkakadiskubre sa bangkay ay isang kotse ang nakita niyang tumigil sa lugar at nakarinig siya umano ng kalabog na inakala niyang maaaring nagtapon lamang ito ng basura.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ng mga taong nasa likod ng krimen.
- Latest