MANILA, Philippines - Patay ang tatlong lalaki na sinasabing ‘tulak’ ng droga makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa magkahiwalay na lugar sa Parañaque, Taguig at sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang mga nasawi na sina Ruel Loterte, 42, ng Brgy. Merville, Parañaque City; Joel Avila, 21, ng Santol Extension, Katuparan, Taguig City at isang nagngangalang Randy, alyas Putok sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ulo at iba’t- ibang bahagi ng katawan.
Nabatid na dakong alas-12:45 ng madaling araw ng maganap ang pamamaril kay Loterte sa pintuan ng kanyang bahay sa Sitio Malaya, Brgy. Merville, Parañaque City ng isang armadong lalaki ang kumatok sa kanilang pintuan at nang silipin sa butas ni Loterte subalit biglang binaril ng ilang beses na tumama sa ulo na sanhi ng agarang pagkamatay nito.
Tatlong basyo ng hindi batid na kalibre ng baril ang narekober ng mga pulis sa pinangyarihan ng insidente.
Kinumpirma naman ng anak ng biktima na si Rosselle, na umanoy kabilang ang kanyang ama sa drug watchlist ng barangay at ng pulisya.
Samantala, dakong alas-10:10 ng gabi naman pinagbabaril ng mga hindi kilalang salarin si Avila sa Guyabano St., Brgy. Katuparan, Taguig City.
Bukod sa kilalang ‘tulak’ at gumagamit ng droga, si Avila ay isa rin umanong magnanakaw sa kanilang lugar at kabilang sa drug watchlist ng Taguig City Police. Sa Quezon City, napatay naman sa isinagawang buy-bust si alyas Putok sa Brgy. Pansol.
Nakatunog umano ang suspect na pulis ang kanyang ka-transaksyon kaya agad itong bumunot ng baril at pinaputuklan ang mga pulis na maagap namang gumanti ng putok dahilan ng kamatayan ni Putok.