Van, inanod ng baha sa Marikina river
MANILA, Philippines - Inanod ng baha sa Marikina river ang isang van na nakaparada sa gilid ng kalsada sa Marcos Highway, sakop ng Marikina City, kahapon ng umaga.
Batay sa ulat ng Marikina City Police, bago mag-alas-9:00 ng umaga nang tuluyang tangayin ng malakas na agos ng tubig mula sa umapaw na ilog ang isang Toyota Lite Ace van, na hindi nakuha ang plaka.
Nauna rito, dakong alas-8:23 ng umaga ay itinaas ng mga awtoridad sa Alert Level 2 ang alerto sa Marikina River matapos na tumaas ang water level sa 16 metro.
Nangangahulugang ito na hudyat na para sa mga residenteng naninirahan sa gilid ng ilog na dapat nang magsilikas dahil sa posibilidad ng may maganap na mga pagbaha at pagguho ng lupa sa gilid ng ilog.
Hindi naman kaagad na naialis ng may-ari ang van malapit sa ilog, kaya’t nang magpatuloy sa pagtaas ng tubig dahil sa walang tigil na pag-ulan ay tuluyan na itong tinangay.
Wala namang nagawa ang mga residente para isalba pa ang naturang sasakyan makaraang tuluyang lumubog sa ilog.
Nang tumigil ang pag-ulan at bamaba ang tubig sa ilog ay lumutang ang van at dumating na rin ang may-ari nito na kinilalang si July Tanghal.
Itinali na lamang ng lubid ni Tanghal ang kanyang sasakyan at umaasang mapapakinabangan na niya ito.
- Latest