MANILA, Philippines - Sampung bus terminal sa kahabaan ng Edsa, Quezon City ang ipinadlak kahapon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) dahil sa hindi pagsunod sa panuntunan ng ahensya at paglabag sa Business Permit and Licensing Office (BPLO) ng lungsod.
Mismong si MMDA Chairman Danny Lim ang nanguna sa operasyon, katuwang ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) at Quezon City BPLO dakong ala-1:30 ng tanghali.
Ang mga ipinadlak na terminal ay kinabibilangan ng Jac Liner, Philtranco, DLTB Company, Five Star Liner, Pangasinan Cisco, Golden Bee, First North Luzon, Amihan Bus Lines, Lucena Lines at ES Transport terminal na pawang nasa kahabaan ng Edsa, Quezon City.
Sinabi ni Lim, isinara nila ang mga naturang terminal dahil sa hindi pagsunod sa ipinatutupad nilang ‘Nose In, Nose Out policy’ at ordinansa ng local government unit.
Tiniyak ni Lim na babantayan ng kanyang mga tauhan ang mga ipinadlak na terminal upang hindi na magamit muli ang mga ito.
Magugunita noong nakalipas na linggo ay apat ding bus terminal sa Edsa-Pasay City ang ipinadlak din ng MMDA dahil din sa kahalintulad na paglabag sa batas.