MANILA, Philippines - Mahigpit na itinagubilin ng Division of City Schools-Manila sa mga prinsipal ng mga paaralan sa lungsod ng Maynila ang pagbabawal sa paglalagay ng ‘‘designated smoking areas (DSAs)’’ sa loob at labas ng bisinidad ng mga eskwelahan alinsunod sa ipinatutupad na ‘‘smoking ban’’ ng pamahalaan.
Sinabi ni DCS-Manila Superintendent Dr. Wilfredo Cabral na nakikipag-ugna-yan na sila sa pamahalaang lungsod ng Maynila para mapalakas ang pagpapatupad ng ‘‘smoking ban’’ sa mga paaralan. Partikular dito ang health office na kanilang makakatuwang at sa mga licensing office na may hurisdisyon naman sa mga negosyo na nagtitinda ng mga produktong tabako.
Sa ilalim ng Executive Order 26 ni Pangulong Rodrigo Duterte, pinagbabawal ang pagbebenta ng tobacco pro-ducts sa loob ng 100 metro ng mga paaralan, public playground, at mga recreational facilities para sa mga kabataan.
Iginiit din ni Cabral na hindi rin maaaring maglagay ng mga Designated Smoking Areas (DSAs) sa loob o malapit sa mga paaralan lalo na ang pagtitinda sa bisinidad ng mga ito.
Dalawang prinsipal na aniya sa Tondo nag-ulat sa City Hall ng mga tindahan at vendors na nakita nilang nagbebenta ng sigarilyo malapit sa kani-kanilang paaralan.
Suportado naman ni Manila City Mayor Joseph Estrada ang ban sa mga pampublikong lugar ng sigarilyo partikular sa mga paaralan. Inatasan nya ang Office of the City Administrator na tiyakin na 100 porsyento na ligtas sa sigarilyo ang mga paaralan at paligid nito.