MANILA, Philippines - Anim na sinasabing sangkot sa ilegal na droga ang nasawi, habang dalawa ang naaresto sa magkakahiwalay na “Oplan Galugad” at buy-bust operations na isinagawa ng Caloocan Police sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod, kamakalawa ng gabi.
Tatlo sa napatay ang kinilalang sina Danilo Dacumos, alyas Payat, 48 ; Dave Oseo, 23 at Jonard Orticio, 32, pawang taga- Caloocan City.
Inaalam pa ang pagkilanlan ng tatlo pang nasawi.
Sa ulat mula sa tanggapan ni Caloocan Police chief, Senior Supt. Chito Bersaluna, dakong alas-11:30 ng ng gabi kamakalawa nang isagawa ang ‘‘Oplan Galugad’’ ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP)3 sa kahabaan ng Phase 4 nang mamataan si Dacumos, na nang sitahin ay nagtatakbo papasok ng kaniyang bahay.
Mabilis umanong nakakuha ng baril at nakipagputukan sa mga pulis kaya siya ginantihan dahilan ng kaniyang agarang kamatayan. Nabatid na dati na umanong sangkot sa snatching at robbery holdup si Dacumos na nagpalit na umano ng iligal na gawain at sinasabing nagbebenta na ng iligal na droga.
Si Oseo naman ay naispatan na may katransaksiyon sa iligal na droga , kasama ng iba pa na nasa loob ng isang abandonadong bulalohan o HIC Snack House sa Sto. Tomas Village, Brgy.167, nang magsagawa ng anti-illegal drug operation ang PCP 6-Drug Enforcement Unit, dakong alas 10:30 ng gabi (Agosto 3).
Nang mapuna ang presensiya ng mga operatiba ay bumunot ng baril ang suspect at pinaputukan ang mga pulis na kaagad naman siyang ginantihan na nagresulta sa kaniyang kamatayan. Naaresto rin ang kasabwat nitong sina Randy Verenio. 23, at Edeliza Oseo, 32.
Narekober ng pulisya sa nasawing suspek ang limang plastic sachet ng shabu at ilang drug paraphernalia.
Kagyat na kamatayan din ang inabot ni Orticio, matapos makipagbarilan rin sa mga tauhan ng PCP-3 dakong alas-10:30 ng gabi at narekober sa kanya ang kalibre .38 revolver at tatlong sachet na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng hinihinalang shabu.
Samantala, sa Brgy. 188 Tala, ang tatlong hindi pa kilalang suspek ay napatay naman nang makipagputukan sa mga operatiba ng Caloocan Police alas-5:30 ng umaga kahapon (Agosto 4).
Narekober mula sa tatlo ang kalibre 45, kalibre 38, improvised shot gun at apat na sachet ng shabu na tinatayang nasa P125,000 ang street value ang halaga.
Naka-eskapo naman ang isa pang notoryus na suplayer umano ng droga na si alyas Daga.