MANILA, Philippines - Sinibak na sa puwesto ang police community precinct commander matapos itong maaresto kasama ang dalawang barangay kagawad sa entrapment operation sa University Belt Area sa Sampaloc, Maynila noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni PNP-Counter Intelligence Task Force chief P/Senior Supt. Jose Chiquito Malayo ang tinanggal sa puwesto na si P/Chief Inspector Ramon Nazario, UBA PCP commander sa ilalim ng Sampaloc Police Station 4.
Si Nazario ay inaresto kasama ang mga suspek na sina Kagawad Gregorio Bernardo at Kagawad Raymund Raga, mga nakatira sa Barangay 409, Zone 42 sa Sampaloc, Maynila.
Bandang alas -6:45 ng gabi nito nang magsagawa ng entrapment operation ang mga CITF personnels sa compound ng UBA PCP sa P. Noval Street sa Barangay 398.
Nabatid na ang lingguhang koleksyon mula sa mga vendor na isinasagawa ng mga suspek sa tuwing Biyernes na umano’y gumagamit pa ng mga sibilyan ay isinusumite ng mga ito kay Nazario kung saan pinapartehan naman sila ng opisyal.
“After series of validations, the civilian suspects were identified who were monitored every Friday proceeding to the UBA PCP to remit the weekly collection,” pahayag ni Malayo.?
Nasamsam naman ang marked money at ang sasakyang Toyota na ginagamit ng mga suspect na barangay kagawad sa pangongolekta.
Kasalukuyang sumasailalim sa masusing imbestigasyon sa himpilan ng CITF sa Camp Crame ang dalawang suspect na barangay kagawad na nahaharap sa kasong kriminal.
Samantala, si Nazario, ayon naman kay Manila Police District Station 4 Commander P/Supt. Aquino Olivar ay ihaharap muna kay MPD Director P/Chief Supt. Napoleon Joel Coronel matapos na masibak sa puwesto.