MANILA, Philippines - “Huwag tularan, holdaper ako’’
Ito ang tatak ng karatulang nakasulat sa kapirasong karton na nakalagay sa bangkay ng dalawang lalaki na natagpuan sa madamong bahagi na lugar sa Brgy. Payatas, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay PO3 Jerome Dollente, imbestigador sa kaso, kapwa walang nakuhang anumang pagkakakilanlan sa mga nasawi na isinalarawan sa pagitan ng edad 25-35, parehong nakasuot ng t-shirt at short pants. Ang isa ay may tattoo na “Trixei” sa likod, habang ang isa naman ay mga tattoo na “ Guardian” sa balikat, “Cadaon”,” Charger”, at “Randy” sa likuran.
Base sa pagsisiyasat, nadiskubre ang dalawang bangkay sa kahabaan ng Legaspi St., malapit sa kanto ng Payatas Road, Group 5, Brgy. Payatas, dakong alas- 3:45 ng mada-ling araw.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene ay nadiskubre ang isang basyo ng bala, habang sa pagsusuri naman sa bangkay ng isa sa mga biktima ay nakitaan ito ng ligature mark sa leeg, pahiwa na sugat sa gawing bahagi ng kanyang ulo at galos sa kanyang kanang tuhod. Ang isa namang bangkay ay nakitaan din ng ligature mark sa leeg, isang tama ng bala sa ulo.
Ang mga bangkay ay nasa pangangalaga ngayon ng Lights Funeral Homes para sa awtopsiya.