19-anyos na buntis, patay sa gulpi ng ka-live-in

Ayon sa hepe ng Muntinlupa City na si Senior Supt. Dante Novicio, ang biktima ay nakilalang si Anna Cecilia Galicia, call center agent, ng Northgate Cyber Park, Brgy. Alabang ng naturang siyudad, alas-12:00 kahapon ng madaling-araw nang malagutan ito ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan. File
MANILA, Philippines - Isang 19-anyos na apat na buwang buntis ang nasawi matapos gulpihin at iuntog ang ulo sa pader ng kanyang kinakasama, kahapon sa Muntinlupa City.
Ayon sa hepe ng Muntinlupa City na si Senior Supt. Dante Novicio, ang biktima ay nakilalang si Anna Cecilia Galicia, call center agent, ng Northgate Cyber Park, Brgy. Alabang ng naturang siyudad, alas-12:00 kahapon ng madaling-araw nang malagutan ito ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Samantala, pinaghahanap na ngayon ng pulisya ang suspect na si Karl David Asehan, 19, ng naturang lugar.
Nabatid na kahapon ng umaga ini-report sa kanyang tanggapan ang insidente ng mga kaanak ng biktima.
Kung saan tumawag pa ang biktima sa kanyang ina na hindi na pinabanggit ang pangalan ng alas-5:30 kamakalawa ng hapon, na sinasabing nag-away sila ng suspect at nahihilo ito matapos iuntog ang kanyang ulo sa pader.
Nakita na lang umano ng guwardiya sa kanilang condominium ang biktima na wala nang malay, kung kaya’t agad itong isinugod sa naturang ospital.
Sa isinagawang pagsisiyasat, sinasabing masama umano ang pakiramdam ng biktima kaya nagpasya itong huwag munang pumasok sa trabaho. Gayunman, pinipilit umano ito ng suspect na nagalit pa at sinaktan ang kinakasama.
Mabilis naman umanong tumakas ang suspect matapos ang isinagawang pananakit sa biktima.
Ayon kay Alex dela Plata, amain ng biktima, posibleng binugbog ang biktima ng kanyang kinakasama dahil sa mga nakitang mga pasa sa katawan, mukha at hita nito.
Patuloy naman ang pagtugis sa suspect.
- Latest