MANILA, Philippines - Umaabot sa P360 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng pinagsanib na elemento ng pulisya sa isinagawang raid sa isang bodega sa BF Martinville Subdivision, Brgy. Manuyo sa lungsod ng Las Piñas nitong Martes ng gabi.
Pinangunahan ni PNP Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa na personal na nagtungo at nag-inspeksyon sa lugar ang pagpriprisinta sa mediamen ng mga nakumpiskang droga.
Base sa report na natanggap ni Chief Supt. Tomas Apolinario Jr., director ng Southern Police District (SPD), alas-8:00 ng gabi nang isagawa ang operasyon ng pinagsanib na elemento ng PNP–Drug Enforcement Group (PNP-DEG), Southern Police District at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Unit B, Block 3, Tiongquiao Street, BF. Martinville Subdivision, Brgy. Manuyo ng nasabing lungsod.
Aabot sa 72 packs o balot ng metamphetamine hydrochloride o shabu na tumitimbang ng isang kilo bawat isa na nagkakahalaga ng P 360 milyon ang nadiskubreng nakasilid sa ‘polysterene boxes na ang nasa ibabaw ay mga tuyo (dried fish) ang nakumpiska sa sinalakay na bogeda.
Kasabay nito, sinabi ni dela Rosa na hihikayatin niya ang Bureau of Customs (BOC) na higpitan ang pagi-inspeksyon sa mga kontrabando na ipinapasok sa bansa upang hindi makalusot ang ‘shipment’ ng illegal na droga sa bansa.
Ayon naman kay P/Sr. Supt. Graciano Mijares, Chief ng PNP–DEG, isinagawa ng mga operatiba ang raid sa bisa ng search warrant na inisyu ng korte ng Maynila laban sa mga pinaghihinalaang big time drug trafficker na tinukoy lamang sa mga alyas na Mr. Lee, Johnny Sy , Jen, Jimmy, Luk, Pilay at Tanda .
Gayunman nakatakas ang mga suspek na pinaniniwalaang natunugan ang presensya ng mga awtoridad.
Nabatid kay Dela Rosa, posibleng sa ibang bansa nanggaling ang mga shabu at ipinasok sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga makinang naipasok.
Ayon sa mga awtoridad, may kaugnayan ang 72 kilos na shabu na kanilang nadiskubre sa dalawang nauna nilang operasyon kamakailan sa Parañaque City, kung saan nakarekober sila ng 53 kilo ng shabu.
Matatandaan na noong Hunyo 3 ng taong kasalukuyan ay nadakip ang drug supplier na si Cheng Teho Chan sa parking area ng Red Planet Hotel sa Aseana, Parañaque City at nasabat ang 50 kilong shabu, na tinabunan din ng mga tuyo na nakalagay sa compartment ng isang kulay red-orange na Honda Civic, na may plakang VEM-268.
Sa pamamagitan ng mga impormasyon na nakuha sa naarestong suspect, noong Hunyo 7, natunton din sa isang residential building sa Brgy. Moonwalk, Parañaque City ang tatlong kilo ng shabu, na itinago naman sa dried mangoes.
Dahil dito patuloy naman ang follow-up operation ng mga awtoridad sa anim pang kasamahan ni Chan, na pawang miyembro ng Lee Drug Syndicate Group, na nagsasagawa ng illegal na operasyon sa bansa.