MANILA, Philippines - Patay ang isang retiradong pulis na sinasabing ‘Ninja cop’ na high value target (HVT), habang dalawa pa ang nasugatan nang pagbabarilin ng hindi nakilalang mga suspek sa Sta. Ana, Manila.
Dead-on-the-spot si dating SPO3 Dennis Padpad, 47, ng Silahis St., Sta. Ana, Manila dahil sa 10 tama ng bala sa ulo at katawan.
Ginagamot naman sa Sta. Ana Hospital si Harkamal Preet-Singh, 23, Indian national at si Rick Jezriel Zamora, 22, na agad na isinugod sa pagamutan.
Sa report ni Det. Jeffrey Laus, ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong alas-6:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa SMJV Body Fitness na matatagpuan sa Augusto Francisco St., Sta. Ana, Maynila.
Nauna rito, nag-eehersisyo ang biktima nang pumasok ang apat na suspek at walang sabi-sabing paulanan ito ng bala bago mabilis na tumakas sakay ng dalawang motorsiklo.
Hindi naman nakilala ang mga suspek na pawang nakasuot umano ng helmet.
Tinamaan ang dalawa pang biktima na nasa loob rin ng gym.
Ayon kay P/Chief Inspector Romeo Estabillo, hepe ng Dagonoy Police Community Precinct ng MPD-Station 6, si Padpad ay dati umanong miyembro ng ‘Ninja cop’.
Huli umanong naitalaga sa Sulu si Padpad matapos ang internal cleansing na isinagawa ng Philippine National Police (PNP) sa mga tauhan nito na nag-early retirement noong nakaraang taon.
Nabatid na ang mga ‘Ninja cop’ ay iyong mga pulis na sangkot umano sa aktibidad ng ilegal na droga.