Korte Suprema nabulabog sa ‘bomba’
MANILA, Philippines - Nagdulot ng tensiyon ang isang bag na inakalang naglalaman ng bomba na inabandona sa harapan ng Centennial Building ng Korte Suprema sa Padre Faura St., malapit sa panulukan ng Taft Avenue, Ermita, Maynila, kahapon ng hapon.
Dakong alas-2:45 nang mapansin ng isang barangay tanod ang kahina-hinalang itim na bag.
Agad ding iniulat ng security personnel ng Supreme Court sa Explosive Ordnance Division (EOD).
Pansamantalang isinara sa motorista ang P. Faura at rumesponde naman ang mga tauhan ng EOD na nakasuot ng bomb suit kasama ang K-9 unit, subalit negatibo naman sa bomba.
Natuklasan lamang na isang parang ecobag na nagla-laman ng 3 plastic container na may mga lamang kanin.
Ayon sa pulisya, isang matanda at isang bata ang nakitang may dala ng bag na nakaiwan nito sa puno.
Bandang alas-4:00 nang magbalik na sa normal na sitwasyon ang kalye at mga tanggapan ng Korte Suprema, Department of Justice (DOJ), University of the Philippines (UP) Manila at katapat na UP-Philippine General Hospital.
Mistulang paranoid na umano ang mga tao sa lugar dahil na rin sa kasalukuyang krisis sa Marawi City, ayon sa pulisya.
- Latest