MANILA, Philippines - Apat katao na pinaniniwalaang dawit sa ilegal na droga ang iniulat na nasawi sa magkakahiwalay na lugar sa Quezon City at Maynila.
Sa QC, kinilala ni QCPD director P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang isa sa nasawi na si Leonides Gacutan, 44 , tricycle driver, ng Brgy. Batasan, Quezon City.
Nabatid na dakong alas-4:00 ng madaling araw kahapon, nasa loob ng kanyang tricycle si Gacutan sa terminal sa Batasan nang basta na lamang lumapit sa kanya ang dalawang lalaki na naka-helmet at walang habas na binistay siya ng bala hanggang sa duguang humandusay at mamatay.
Mabilis namang tumakas sakay sa naghihintay na motorsiklo na walang plaka at humarurot patungo sa direksiyon ng Montalban, Rizal ang mga suspect.
Sa Brgy. Bagbag, Novaliches naman napatay ang kilabot na ‘tulak’ na si Gary Sampagan at isang hindi kilalang tauhan nitö sa isinagawang buy – bust operation ng mga operatiba ng QCPD PS 4 Novaliches Station.
Sinasabing, nakatunog umano si Sampagan na parak ang kanyang ka-transaksiyon sa Celina compound, Celina Drive, kung saan bubunot sana siya ng baril subalit agad inunahang barilin ng back – up na mga operatiba ng Novaliches Police na ikinasawi ng mga ito.
Nakuha ng Scene on the Crime Operation (SOCO) sa hide – out ng 2 suspek ang dalawang baril, mga drug paraphernalia, P10,000 budol na pera, P1,000 drug money, mga plastic sachet ng shabu at Suzuki motorcycle na walang plaka.
Hindi na umabot ng buhay sa East Avenue Medical Center ang dalawa bunga ng tinamong mga tama ng bala sa kanilang katawan.
Samantala sa Port, Area, Manila, hindi na rin umabot pang buhay ang isang ‘tulak’ sa droga na miyembro ng ‘Bahala na Gang’, sa isinagawang buy-bust operation.
Kinilala ang nasawi na si Nicolas Bornia alyas Alas, nasa 40-45 anyos.
Sa ulat ni PO3 Roderick Magpale ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas 10:45 ng gabi kamakalawa sa Block 9, Old Site, Baseco.
Sa inisyal na ulat, ikinasa ang buy-bust operation laban sa nasawi.
Sinasabing aarestuhin na ang suspect nang manlaban ito at paputukan ang operatiba dahilan naman upang gumanti ang mga pulis na siyang ikinatama at ikinamatay ni Alas.
Narekober sa crime scene ang isang kalibre .38 baril na may 2 bala, apat na plastic sachet ng shabu.