‘Bato’ nag-sorry sa Quiapo blast
MANILA, Philippines - Sorry!
Humingi ng paumanhin kahapon si PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa na inamin na nalusutan ang pulisya sa dalawang magkahiwalay na pagsabog ng bomba na ikinasawi ng dalawa katao habang anim pa ang nasugatan sa Quiapo, Maynila noong nakalipas na Sabado.
Sa press briefing, sinabi ni dela Rosa na tinatanggap ng PNP ang batikos ng ilan nilang mga kritiko hinggil sa nasabing insidente.
“We are very sorry, nalusutan tayo. Talagang inaamin namin na may sumabog. Hindi kami puwedeng gumawa ng alibi, sumabog talaga and we are very sorry for that”, dagdag pa ni dela Rosa.
Iginiit naman ni dela Rosa na hindi sila gumagawa ng alibi upang mailihis sa international terrorist na Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang pangyayari.
Noong Sabado ng gabi ay niyanig ng pagsabog ang Norzagaray St. sa panulukan ng Elizono St. malapit sa Manila Golden Mosque na ikinasawi ng dalawa katao, isa rito ay kinilalang si Mohammad Binga habang apat pa ang nasugatan.
Ilang oras naman nang magresponde ang Explosive Ordinance Disposal at Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Manila Police District upang magsagawa ng imbestigasyon ay sumabog ang ikalawang bomba.
Ang dalawang nasugatang pulis mula sa SOCO ng Manila Police District (MPD) ay nakilala namang sina PO2 Aldrin Resos at Eliza Arturo, kapwa nilalapatan ng lunas sa Medical Center Manila.
Pinanindigan naman ng PNP Chief ang mga impormasyon na kanilang nakuha sa inisyal na imbestigasyon na ang nangyaring kambal na pagpapasabog sa Quiapo ay isang ‘isolated case’ lamang at hindi ito kagagawan ng mga terorista kaya walang dapat na ikabahala ang publiko.
Idinepensa rin ni dela Rosa ang pansamantalang pagkawala ng signal ng telecoms sa lugar habang nagsasagawa sila ng operasyon at imbestigasyon.
Sinabi rin nito na hindi niya sisibakin sa puwesto sina National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Oscar Albayalde at Manila Police District Director P/Chief Supt. Joel Napoleon Coronel.
Magugunita na ang pagsabog sa Quiapo noong nakalipas na Sabado ng gabi ay naganap mahigit isang linggo lamang ang nakalilipas matapos naman ang naunang pagsambulat ng bomba sa lugar noong Abril 28 ng taong ito na nataon sa pagdaraos ng ginanap na Assosiation of Southeast Asian Summit (ASEAN) sa bansa.
Samantalang nauna nang sinabi ng mga opisyal na ang pagsabog ng improvised explosive device sa Quiapo noong Abril 28 ay sanhi ng gang war habang ang ikalawang insidente ay tila personal ang motibo kung saan ang target umano ay ang Muslim cleric na si Nacer Abinal na isa ring examiner ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
- Latest