Manhunt sa killer houseboy isinasagawa ng QCPD
MANILA, Philippines - Patuloy ang manhunt operation ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) laban sa isang houseboy na sumaksak at nakapatay sa kasamahan niyang housemaid matapos na tumakas makaraang isagawa ang krimen sa Barangay East Fairview, sa lungsod, kamakailan.
Ayon kay QCPD Director P/Chief Supt. Guillermo Eleazar, sinisimulan na nilang tukuyin ang lugar na maaaring pagtaguan ng suspek na si Richard de Jesus, 23, binata ng Block 6, Lot 180, Pook Libis, UP Campus, QC.
Si De Jesus, ang suspek sa pagpatay kay Aida Veloso, 58 at nakasugat sa isa pa nilang kasamahan na si Shyla Bandiola, 21, dalaga, na kapwa stay-in sa no. 44 Winston St., Brgy. East Fairview, QC.
Sina De Jesus, Veloso, at Bandiola ay mga kasambahay sa tahanan ng isang Zenaida Nolido kung saan ang una ay nagsimulang maging houseboy noong nakaraang April 26, 2017.
Base sa pagsisiyasat, nangyari ang insidente dakong alas 11:50 Biyernes ng gabi sa mismong tinutuluyan nilang quarters.
Kasalukuyang natutulog sa maid’s quarter si Bandiola nang magising matapos suntukin sa dibdib ng suspek habang tinatakpan pa ang kanyang bibig. Sa kabila nito nakasigaw ng tulong si Bandiola na sanhi para magising si Veloso mula sa katabing quarters.
Matapos nito, nakita ni Bandiola na dumampot ang suspek ng patalim sa kusina at sinaksak si Veloso sa iba’t ibang parte ng katawan dahilan para duguang bumuwal sa sahig ang huli, hanggang sa saksakin din nito si Bandiola sa katawan.
Bagama’t sugatan, nagawang makalabas ng bahay ni Bandiola at humingi ng tulong sa Fairview Police Station-5 na agad namang rumisponde subalit nakatakas na ang suspek.
Agad namang itinakbo ng mga operatiba si Bandiola sa East Avenue Medical Center kung saan ito ngayon inoobserbahan sa mga tama ng saksak sa buong katawan.Habang si Veloso ay binawian naman ng buhay.
Tinitignan ng otoridad na tangkang panggagahasa ng suspek.
- Latest