2 biktima ng salvage, natagpuan

MANILA, Philippines -  Dalawang bangkay na kapwa nakagapos ang mga kamay at may tama ng bala sa ulo ang nadiskubre sa isang bakanteng lugar sa Barangay Payatas B, Quezon City, kahapon ng umaga.

Sa ulat ni PO3 Jogene Hernandez, may-hawak ng kaso, isinalarawan ang isang biktima sa pagitan ng edad na 35-40, may taas na 5’5, nakasuot ng kulay gray at itim na t-shirt, camouflage na pants, may tattoo na dragon sa  kanang balikat, at kruz sa likod; habang ang isa naman ay nasa pagitan ng 30-35, may taas na 5’6, nakasuot ng puting t-shirt na may tatak na “FIT” at FIGHT. Brave MMA, at may tattoo na “Samantha” sa kaliwang braso, at letrang inisyal na “JKIZZDL” sa kanyang kanang braso.

 Ayon kay Hernandez, ang mga biktima ay nadiskubre sa may bakanteng lote ng Manahan na matatagpuan sa Payatas Road, Group 5, Brgy. Payatas B., sa lungsod dakong alas-8 ng umaga.

Nakarebor naman ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa lugar ng isang basyo ng kalibre .45 baril mula sa tabi ng unang bangkay. Lumabas din sa cursory examination na ginawa sa dalawa na ang mga ito ay  kapwa nagtamo ng tig-isang tama ng bala sa ulo at naka­gapos din ang mag-kabilang kamay ng mga ito na nasa kanilang mga likuran.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD-CIDU) kaugnay sa insidente.

 

Show comments