MANILA, Philippines - Dahil sa ilang paglabag sa batas-trapiko, planong ipasara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang terminal ng pampasaherong bus sa Quezon City.
Base sa official facebook ni MMDA officer-in-charge Tim Orbos, sa susunod na linggo, aabisuhan nila ang tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at mga opisyal ng barangay na mag-isyu ito ng notice laban sa Dimple Star’s Terminal sa Southbound sa hangganan ng Tuazon Avenue at Santolan Avenue sa Quezon City.
Ayon sa MMDA, kabilang sa paglabag sa batas-trapiko ng nasabing terminal ay wala itong lugar para sakayan at babaan ng mga pasahero, walang nose-in at nose-out at wala ring permit sa barangay.
Nabatid na kabilang sa kampanya at programa ng MMDA ay ang pagbuwag sa mga terminal na lumalabag sa batas-trapiko.
Dahil maituturing na isa rin ito sa nagiging sanhi nang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Kalakhang Maynila.