MANILA, Philippines - Patay ang isang lalaking ‘tulak’ habang sugatan ang kanyang live-in partner, gayundin ang dalawang pulis Maynila nang magkabarilan sa isinagawang buy bust operation, kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.
Dead-on-the-spot si Ricardo Gulapa, alyas Julius Garcia, 51, ng Miguelin St. corner Florentino St. Sampaloc, Maynila. Ginagamot naman sa Ospital ng Maynila ang live-in partner nitong si Gulapa na si Myla Cruz, 45, na nagtamo naman ng tama ng bala ng baril sa tiyan.
Inooperahan naman sa University of Sto. Tomas Hospital sina PO2 Ronald de Pacina na tinamaan ng bala sa kaliwang braso at PO3 Michael Carabeo na nabaril sa tiyan, kapwa nakatalaga sa MPD-Police Station 4.
Batay sa imbestigasyon ni SPO2 Richard Escarlan ng MPD-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi sa bahay ng suspek matapos ikasa ang isang buy bust operation laban sa nasawing suspek.
Umakto umanong poseur buyer si PO1 Robert Guimong at matapos ang transaksiyon nagpakilala si Guimong na pulis pero sa halip na sumuko si Gulapa, bumunot ito ng baril binaril ang grupo ng pulis dahilan para gumanti ang mga awtoridad.
Dinampot naman ni Cruz ang baril ni Gulapa at tinangkang paputukan ang mga pulis kaya’t dito na siya binaril ng mga pulis.
Nang mapawi ang putukan, sugatan si de Pacina, Carabeo at si Cruz na kaagad isinugod sa pagamutan.
Naaresto rin sina Jomar Garcia, 18; Ronnie Garcia, 48; at Gregorio Arce, 35, taga 986 Miguelin St. Sampaloc, Maynila, pawang mga kamag-anak ni Gulapa.