48 bagong bagon ng MRT-3 ‘di pa magagamit
Walang signaling system
MANILA, Philippines - Dahil sa kawalan ng signaling system, kaya hindi pa rin magagamit ang 48 bagong Light Rail Vehicles (LRVs) o bagon na binili ng nakalipas na administrasyon para sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
“Ang problema ng Dalian train, this is P3.8 billion, hindi magamit sapagkat walang signaling system,” ayon kay Transportation Undersecretary Cesar Chavez.
Ang mga naturang LRVs ay binili ng nakalipas na administrasyon mula sa Dalian Locomotive & Rolling Stock Co. na mula sa China.
Ayon kay Chavez, malinaw ang instruksyon sa kanila ni DOTr Secretary Arthur Tugade na huwag gagamitin ang LRVs kahit pa maayos na ang problema sa signaling system kung wala itong international independent party certificate.
“Sa panahon ko wala kaming binabayaran at maliwanag sa instruksyon ni Secretary Tugade, ‘wag na ‘wag gamitin even assuming na maayos ang signaling system, ‘wag na ‘wag gagamitin ito kung walang international independent party certificate,” aniya pa.
Sa kabila naman nito, sinabi ni Chavez na madaragdagan pa rin ang kapasidad ng mga tren ng MRT-3 dahil plano nilang magdagdag ng mga bagon sa mga tren.
Mahigpit aniya ang kautusan ni Tugade na matapos ang pagdaragdag ng mga bagon sa Nobyembre 15, bago muling sumapit ang panahon ng Kapaskuhan.
Iniulat din ni Chavez na nabawasan na ang mga unloading incidents ng MRT-3 ngayon kumpara sa mga nakalipas na panahon.
Kung dati-rati aniya ay nasa 40 plus hanggang 60 plus ang unloading incidents, ngayon ay umabot na lamang ito sa 30 plus.
Gayunman, hindi pa rin sila nasisiyahan sa naturang karampot na pagbabago at nais nilang mas higit pang mapaganda ang serbisyo ng MRT-3.
Sa kabilang dako, kahapon ay muli na namang nagbaba ng mga pasahero ang isang tren ng MRT-3 sa Cubao Station dahil sa muling pagdanas ng technical problem dakong 7:22 ng umaga.
Inilipat na lamang ang mga pasahero sa kasunod na tren habang hinatak pabalik ng MRT-3 depo ang tumirik na bagon.
Ang MRT-3 ng bumibiyahe ng kahabaan ng Edsa mula sa North Avenue, Quezon City hanggang sa Taft Avenue Pasay City at vice versa.
- Latest