MANILA, Philippines - Pabor si Manila Mayor Joseph Estrada sa panuka-la ni dating mayor at ngayo’y Buhay party-list Rep. Lito Atienza, na magkaroon ng halal na gubernador at bise gubernador sa Metro Manila subalit kailangan na kunsultahin muna ang mga alkalde ng 17 lungsod at isang bayan na bumubuo sa Metro Manila.
Ayon kay Estrada, ang lahat ng alkalde ay halal ng taong bayan kaya’t dapat lamang na ang mamuno ay halal din dapat ng taong bayan.
Miyembro si Estrada ng Metro Manila Council (MMC), ang policy-making body ng Metropolitan Manila Deve-lopment Authority (MMDA).
Sang-ayon si Estrada sa House Bill 4758 na sinampa ni Atienza na dapat ay halal ng taumbayan ang gubernador at bise gubernador ng Metro Manila upang magampanan nilang mabuti ang kanilang tungkulin, sa halip na maging sunud-sunuran lang sa nag-appoint sa kanila.
Sa halip na MMDA chairman na appointed ng Pangulo, naniniwala si Atienza na mas mapapabilis ang pagresolba sa mga problema ng Kamaynilaan tulad ng trapiko kung pinamumunuan ito ng isang gubernador katulong ang 17 nakaupong alkalde.
Una na itong pinatupad ng noo’y Pangulong Marcos nang tinatag niya ang Metropolitan Manila Commission (MMC), na ngayo’y MMDA, noong Nobyembre 7, 1975.
Sa halip na eleksyon, tinalaga niya ang kanyang asawang si First Lady Imelda Marcos bilang gubernador ng Metro Manila at si Ismael Mathay, Jr. bilang bise gubernador.