73 dinampot sa ‘One Time Big Time Ops’ sa Caloocan
MANILA, Philippines - Nasa 73 katao kabilang ang 60 drug personalities at dalawang may warrant of arrest ang naaresto ng mga pulis sa isinagawang One-Time-Big-Time Operation (OTBT) sa Caloocan City.
Kahapon ay iprinisinta nina Northern Police District (NPD) director, Police Chief Supt. Roberto Fajardo at Caloocan City Police Chief Sr. Supt. Chito Bersaluna sa mga mamamahayag ang mga naarestong suspect.
Nabatid kay Sr. Supt. Bersaluna, alas-9:00 ng gabi nang ikasa nila ang OTBT sa buong lungsod.
Kabilang sa mga nadakip ang 60 katao na sangkot sa droga, 4 na wanted sa estafa, 7 sa city ordinance, 2 may warrant of arrest sa kasong qualified rape at iba pa. Isa rin ang nahulihan ng 2 kalibre .45 baril, 1 1AR 15 bushmaster, 1 kalibre .9mm at mga bala .
Narekober sa operation ang nasa 40 gramo ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.
Sinabi ni Fajardo na tuluy-tuloy ang kanilang kampanya kontra droga at mas mapapabilis aniya nila ang pagsugpo rito kung makikipagtulungan ang publiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga impormasyon. Idineklara naman ni Sr. Supt. Bersaluna ang tatlong barangay na kinabibilangan ng Brgy. 44, 61 at 103 na “drug free” na.
- Latest