MANILA, Philippines - Sugatan ang 3-taong gulang na batang babae nang tamaan ng ligaw na bala sa pamamaril ng kanilang kapitbahay sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Nilalapatan ng lunas sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) dahil sa tinamong bala sa kaliwang hita at ka-liwang kamay ang biktimang si Rosemarie Lopez, residente ng Building 30, Aroma Compound, Tondo, sakop ng Barangay 105, Zone 8.
Pinaghahanap naman ang suspek na si Jerico Bajar alyas “Joshua”, residente rin ng Building 30, Aroma Compound.
Sa ulat ni PO2 Jolito Ramones ng Manila Police District-Station 1, dakong alas-2:45 ng hapon nang maganap ang pamamaril sa Aroma Compound, sa tapat ng bahay ng biktima.
Naglalaro sa labas ng bahay ang biktima nang nagkataong may hinahabol umano ang suspek na armado ng ‘di pa tukoy na kalibre ng baril.
Nagpaputok umano ang suspek subalit sa halip na ang hinahabol ang tamaan, ang biktima ang tinamaan.
Tumakas ang suspek nang makitang ang bata umano ang kaniyang tinamaan.